![]()
Pinalagan ni Senior Citizens Party List Rep. Rodolfo Ordanes ang mungkahi ng Organization for Economic Cooperation and Dev’t (OECD) na tanggalin ang VAT discount sa mga senior citizen.
Para kay Ordanes, taliwas sa public policy at social safety nets ng gobyerno ang hirit na ito ng OECD.
Ang diskwento sa VAT ng mga senior citizens ay hindi umano pribilehiyo kundi pagkilala sa kanilang ambag at proteksyon sa dignidad ng mga nakatatanda.
Hirit ni Ordanes, kung meron mang dapat bawasan o tanggalin, hindi ang benepisyo ng mga seniors kundi ang korapsyon, walang habas na paggastos ng mga opisyal, at red tape sa pamahalaan.
Suportado rin ni Ordanes ang proposal ng Department of Finance para alisin ang maraming exceptions at exemptions na ibinibigay sa mayayaman at malalaking kumpanya.
May kakayahan umano ang mayayaman at malalaking negosyo na magbayad ng buwis.
