![]()
PAIIMBESTIGAHAN ni Senador Loren Legarda sa Department of Justice at National Bureau of Investigation maging sa Senate Committee on Women ng umano’y naging network at operasyon ng Amerikanong pedophile na si Jeffrey Epstein sa bansa.
Sinabi ni Legarda na maghahain siya ng resolusyon para bungkalin ang umano’y operasyon ni Epstein sa bansa noong 2010.
Ayon sa senadora, ang naturang panahon ay saklaw na ng umiiral na mga batas kontra human trafficking, kaya’t mahalagang siyasatin kung paano ito nangyari at sinu-sino ang sangkot.
Binanggit din ni Legarda na lumulutang sa social media ng tinaguriang “Epstein files” ang pangalan ng mga makapangyarihang personalidad mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga bilyonaryo, miyembro ng royalty, at matataas na opisyal ng mga bansang kaalyado ng Pilipinas.
Hindi anya lantaran ang mga operasyon dahil may iba’t ibang “front” o negosyong ginagamit sa magkakaibang sektor.
Iginiit niya na napapanahon at mahalagang busisiin ang isyu, lalo’t 15 taon pa lamang ang nakalilipas mula nang umano’y maganap ang mga aktibidad na ito.
Layunin ng hakbang na alamin ang mga organisasyon, sindikato, at maging ang mga public relations firms na posibleng tumulong sa paglilinis ng pisikal at digital na imahe ng nasabing kriminal sa Pilipinas.
