dzme1530.ph

“License for rent” modus ng mga contractor, nais gawing krimen ng isang senador

Loading

Isinusulong ni Senate Blue Ribbon Committee Acting Chairman Erwin Tulfo ang panukala na gawing krimen ang tinatawag na “license for rent” scheme ng ilang contractor.

Ito ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado kaugnay sa maanomalyang flood control scam na pangunahing modus operandi ng mga tiwali ang license for rent.

Alinsunod sa proposed License Integrity Act, ang pagpapahiram, paghiram, at mapanlinlang na paggamit ng mga lisensya ay papatawan ng parusang pagkakakulong na hindi bababa sa tatlong taon ngunit hindi hihigit sa 12 taon, o kaya naman ay multa na hindi bababa sa ₱300,000 at hindi lalagpas sa ₱3 milyon.

Saklaw ng panukala hindi lamang ang mga lisensya ng mga kontraktor sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi maging ang mga lisensya ng mga customs broker sa Bureau of Customs (BOC), at mga environmental licenses sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Alinsunod din sa panukala, ang mga opisyal ng gobyerno na mag-iisyu ng lisensya sa mga walang kwalipikasyon o may conflict of interest na aplikante ay paparusahan din ng administratibo at kriminal.

Ayon kay Tulfo, ang panghuli at pangunahing layunin ng panukalang ito ay ibalik ang integridad ng mga lisensya at permit na ipinagkaloob ng gobyerno, palakasin ang pananagutan, pigilan ang mga pang-aabuso na sumisira sa pamamahala, at tiyakin na ang mga pribilehiyo ng lisensya ay magsisilbi lamang sa kanilang ligal at nararapat na layunin.

About The Author