Kailangang matukoy kung fake news o may cover-up ang alegasyong paggamit ng marijuana ng staff ni Sen. Robin Padilla sa loob mismo ng gusali ng Senado.
Ito ang iginiit nina Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at Sen. JV Ejercito upang malinawan ang taumbayan sa totoong nangyari sa loob ng institusyon.
Giit ni Ejercito, hindi dapat basta-basta ituring na fake news ang impormasyon nang walang malinaw na pagsisiyasat.
Samantala, inihayag ni Sotto na nagulat siya sa mga impormasyong may nangyaring insidente sa ikalimang palapag ng gusali, ngunit wala pang pormal na imbestigasyon.
Aminado si Sotto na kung mapapatunayan ang alegasyon, ito ay malaking kahihiyan para sa Senado bilang isa sa pinakamahalagang institusyon ng pamahalaan na dapat magsilbing huwaran sa publiko.