Aminado si Senate President Francis Escudero na napapanahon nang repasuhin ang mga patakaran sa pag-o-audit at pagrereport sa paggamit ng confidential at intelligence fund.
Sinabi ni Escudero na dapat bumalangkas ng mga bagong hakbangin upang mapahusay pa ang sistema sa confidential at intelligence fund para matiyak ang transparency at accountability.
Tinukoy ng senate leader na dapat busisiing muli ang Joint Memorandum Circular ng Commission on Audit at Department of Budget and Management na nagtatakda ng guidelines sa paggagamitan ng pondo at paano ito irereport.
Ang circular ay nilagdaan noong January 2015.
Sinabi rin ni Escudero na maaaring gawan ng pagbabago ang special provisions na ipinapasok sa batas ukol sa pambansang budget kada taon.
Iginiit ng senate leader na kailangan na ito ay batay sa mga imbestigasyon na napapanood ng publiko.
Tinukoy ni Escudero ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa sinasabing maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa ₱612-M na confidential fund ng OVP at ng Department of Education noong 2022 at 2023.