Pinatitiyak ni Sen. Sherwin Gatchalian sa mga kumpanya ng langis na agad ipatupad ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo kasunod ng pagkalma ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Gatchalian na dapat agad i-reflect ng mga kumpanya ng langis ang pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sa ganitong paraan aniya mababawasan kahit papaano ang pasanin ng mamamayan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang maging makatarungan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga gasolinahan, lalo na’t bumababa na ang presyo ng krudo sa mundo.
Hinimok din ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na bantayang mabuti ang retail market at tiyaking sumusunod ang mga kumpanya sa tamang presyo.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasabay ng inaasahang tuluyang paggalaw pababa ng presyo ng langis sa merkado, bunga ng pagluwag ng tensyon sa mga bansang may malalaking reserba ng krudo.