Naka-standby ang Philippine Air Force (PAF) para tumulong sa posibleng repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng tensyon sa ilang bahagi ng Middle East.
Ayon kay Col. Maria Consuelo Castillo, tagapagsalita ng Air Force, magpo-provide sila ng kinakailangang assets at personnel para maisakatuparan ang paglilikas sa mga apektadong Pinoy.
Aniya, kasalukuyang naka-standby ang heavy-lift aircraft, gaya ng C-130 at C-295, na dating ginagamit para sa troop deployment at humanitarian operations.
Sinabi ni Castillo na malaki ang kapasidad ng naturang airlift assets para sa pag-evacuate ng mga Pinoy mula sa conflict zones patungo sa mas ligtas na mga lugar.
Mayroon din aniyang medical teams at ground personnel na ide-deploy, upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng evacuees.