Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Malakanyang na huwag maging kampante sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, at agad na maghanda para sa posibleng epekto ng sigalot sa milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang pagtindi ng giyera ay maaaring makaapekto hindi lamang sa tinatayang 29,473 na Pilipino sa Israel at 1,184 sa Iran, kundi pati na rin ang may 2.2 milyong Pilipino sa Gitnang Silangan.
Tanong din ng senadora kung sapat pa ba ang alert level system na ginagamit ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang balaan ang mga OFW sa Israel at Iran, lalo na sa gitna ng halos araw-araw na karahasan at kaguluhan sa dalawang bansa.
Nanawagan din ang mambabatas sa DFA at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking may malinaw na contingency plan, at sapat na resources para sa malawakang evacuation, transportasyon at pag-aalaga sa daan-daan o libo-libong OFWs, sakaling kinakailangan itong gawin.
Binigyang-diin ng senadora na sa gitna ng posibleng malawakang pinsala at panganib na dulot ng sigalot ng Iran at Israel, nararapat lamang na gawing “agarang pambansang prayoridad” ang kaligtasan ng mga OFW sa Gitnang Silangan.