dzme1530.ph

Barangay at SK Elections, posibleng matuloy ngayong taon

Loading

Malaki ang posibilidad na matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Disyembre sa kabila ng isinusulong na panukalang ipagpaliban ito.

Ayon kay Senate President Francis Escudero, ito ang naging direksyon ng talakayan sa LEDAC meeting na dinaluhan mismo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at liderato ng Kongreso.

Gayunman, nilinaw ni Escudero na daraan pa sa debate ang desisyon at pagbobotohan pa ito.

Alinsunod sa isinusulong na panukala sa Senado, gagawing apat na taon ang termino ng Barangay at SK officials at ipagpapaliban ang eleksyon.

Sa Kamara naman, ipagpapaliban ang halalan pero gagawing anim na taon ang panunungkulan.

Ang usapin ay kasama sa natalakay sa pulong ni dating Vice President at ngayon ay mayor-elect Leni Robredo kasama ang mga miyembro ng Liga ng Barangay.

Sa pulong, sinabi ni Robredo na nais nilang huwag matuloy ang eleksyon sa Disyembre dahil sa buwan ding iyon wala pang tatlong taon ang mga kasalukuyang barangay at sk officials.

About The Author