Panahon nang harapin ni dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque ang kanyang mga kaso at bumalik na ito sa bansa kasunod ng pagpapalabas ng korte ng warrant of arrest laban sa kanya.
Bukod kay Roque, inisyuhan din ng warrant of arrest si Cassandra Li Ong at iba pang isinasangkot sa Porac POGO hub.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros na malaking development ang pag-iisyu ng warrant of arrest sa kanilang krusada laban sa mga POGO.
Ipinaalala ni Hontiveros na ang Porac POGO hub ang pinakamalaking scam compound sa bansa kung saan naging talamak ang human trafficking, kidnapping, torture, money laundering, at kung anu-ano pang krimen.
Binigyang-diin ng senador na bilang abogado si Roque dapat alam nitong mali ang kanyang ginagawang pag-iwas sa batas.
Bukod pa kina Roque, isa rin sa inisyuhan ng arrest order ay ang ninong ni Cassie na si Duanren Wu.
Sinabi ni Hontiveros na naibunyag na rin sa Senado na may koneksyon si Wu kay Li Duan Wang, ang Chinese junket operator ng 9Dynasty, na nagtangkang maging Filipino citizen.