Desidido ang Comelec na umuupo bilang National Board of Canvassers na tapusin ngayong araw na ito ang canvassing ng mga boto para sa senatorial at party-list elections.
Sa ikatlong araw ng canvassing, 16 na certificates of canvass na lang ang natitirang bilangin ng NBOC.
Sinabi ni Comelec Spokesman Atty. Rex Laudiangco na sa ngayon ay pitong coc na lamang ang hinihintay na maitransmit.
Ito ay ang overseas coc na magmumula sa Portugal, Pakistan, Egypt, Iran, Russia, South Africa at Poland.
Inaasahan ng NBOC na matatransmit ngayon ang lahat ng coc kaya’t tiwala silang matatapos ang canvassing na muling magsisimula mamayang alas-dos ng hapon.
Ito ay upang maiproklama na ang mga nanalong senador at partylist sa araw ng Sabado at Linggo.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sa kasaysayan ng lahat ng eleksyon, ito na ang pinakamabilis na bilangan at pinakamaagang proklamasyon ng mga nanalo.
Nilinaw naman ni Garcia na hindi lamang bilis ang kanilang hinahabol kundi ang mithiin nilang maagang maka-move on na rin ang bansa mula sa halalan na naging divisive.