Maituturing na insulto sa soberanya ng bansa ang pag-aresto at pagsuko ng Pilipinas sa kustodiya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang iginiit ni Sen. Christopher Bong Go kasabay ng pag-amin na nag-aalala siya sa posibleng mangyari sa kalusugan ng dating Pangulo.
Sinabi ni Go na tulad ng kanyang mga naunang pahayag, hindi dapat payagan ang ICC na manghimasok sa domestic affairs ng bansa lalo na’t hindi na aniya miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Kasabay nito, muling umapela ang senador sa mga awtoridad na pangalagaan ang kalusugan ng dating Pangulo kasabay ng paghimok sa mga tagasuporta nito na patuloy siyang ipagdasal.
Nanindigan si Go na ginawa ni dating Pangulong Duterte ang trabaho niya para sa kabutihan ng bansa kasabay ng paggiit na dapat ang mga Pilipino ang humusga kung naging maayos at epektibo ba ang kampanya laban sa iligal na droga.