dzme1530.ph

Pag-overhaul sa PhilHealth board at pagbabalik sa inilipat na pondo, iminungkahi ng Supreme Court justice

Loading

Naniniwala si Supreme Court Associate Justice Antonio Kho na posibleng panahon na para i-overhaul ang board ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) bunsod ng paggamit sa kanilang pondo.

Sa pagpapatuloy ng oral arguments sa petisyon na pumipigil sa paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury, sinabi ni Kho na marahil ay dapat nang palitan ang board dahil sa hindi pagsunod sa itinatakda ng batas.

Ginawa ng mahistrado ang pahayag, matapos ibunyag ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na kino-compute ng PhilHealth ang kanilang budget, batay sa bilang ng mga miyembro sa kanilang database, at hindi sa sin tax allocation.

Inihayag din ni Kho na kung mayroong isyu sa paggamit ng pondo sa bahagi ng PhilHealth, dapat ay atasan ng gobyerno ang ahensya na itaas ang benepisyo at mag-hire ng mga tao upang magamit nang buo ang pondo.

Idinagdag pa ng Supreme Court Justice na huwag nang pahirapan pa ang publiko, dahil nandiyan naman ang pera, at kinolekta ito para sa kapakanan ng taumbayan.

About The Author