dzme1530.ph

IGL workers na naapektuhan ng ban, kabilang sa mga target mabigyan ng trabaho sa Jobstreet Career Con

Layunin ng Dep’t of Labor and Employment na mabigyan ng trabaho sa Jobstreet Career Con 2025, ang Internet Gaming Licensee workers na naapektuhan ng POGO at IGL ban.

Sa ambush interview sa sidelines ng career fair sa SMX Convention Center sa Pasay City, inihayag ni Labor Sec. Benny Laguesma na nasa isandaang IGL workers ang nakiisa sa unang araw ng job fair kahapon, Jan. 28.

Gayunman, ito ay malayo pa rin sa halos 40,000 bilang ng mga apektadong IGL workers.

Ilan sa mga tinukoy na problema ni Laguesma ay karamihan umano sa mga alok na sweldo sa mga trabaho sa job fair ay entry level o minimum wage.

Sinabi ng kalihim na ang IGL workers ay may mataas na sweldo at iba pang benepisyo sa dati nilang trabaho.

Kaugnay dito, mayroon naman umanong employers na nag-aalok ng high-end jobs at umaasa si Laguesma na makakapasok dito ang IGL workers. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author