Inirekomenda ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian na suspindihin ng Department of Education ang implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Ito ay nang mapansin ng senador ang kalituhan sa pinagbabatayan ng mga ituturo sa mga estudyante sa usapin ng sex education na nakapaloob sa Department Order 31.
Sa pagdinig ng Basic Education Committee, tinukoy ni Gatchalian ang UNESCO International Technical Guidance on Sexuality Education na kabilang sa mga reference materials sa CSE na pinagbatayan ng mga guro sa kanilang ituturo sa mga paaralan.
Iginiit naman ni Education Asec. Janir Datukan na ang UNESCO document ay framework lamang para sa pagbuo ng sariling curriculum sa comprehensive sexuality education na age-appropriate, developmentally-appropriate at culturally-sensitive pero hindi ito ang eksakto at buong sinusunod ng DepEd.
Idinagdag pa ni Datukan na hindi itinuturo ang nakasaad sa UNESCO dahil hindi ito angkop sa ating kultura.
Sa kabilang dako, sinita ni Gatchalian na hindi ito malinaw dahil batay sa DO 31 isa ang UNESCO technical guidance sa reference materials na maaaring gamitin ng mga guro kung saan Kinder pa lang ay tuturuan na tungkol sa mga “bodily pleasures”.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kung ngayon pa lamang ay nalilito na rin ang mga guro sa nararapat na ituro sa mga estudyante ay marapat lamang na suspindihin ang implementasyon ng CSE. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News