dzme1530.ph

PBBM, umaasang ang Chinese New Year ay magtutulak sa pagtupad sa mga ambisyong makabubuti sa pangkaramihan

Umaasa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang Chinese New Year ay magtutulak sa pagtupad sa mga ambisyong hindi lamang pansarili kundi para sa ikabubuti ng nakararami.

Ito ay kasabay ng pagbati ng Pangulo sa Filipino-Chinese community at sa buong bansa para sa Chinese New Year.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang okasyong nagmula sa daan-taon nang tradisyon ay sumisimbolo sa pag-asa at pagpupursige.

Sa pagpasok umano ng Year of the Snake, tinatawagan ang lahat na isapuso ang karunungan at pagbabago nang may tapang at determinasyon, tungo sa kasaganahan.

Sa panibagong pagkakataon ng pagpapabuti sa sarili at magandang kapalaran, umaasa rin si Marcos na ang okasyon ay magpapa-alala na ang bawat pagsubok ay magbibigay-daan din sa pagpapatibay ng sarili.

Hiling din ni Marcos na ang makukulay na Chinese lanterns ay magbibigay-liwanag sa bansa, para sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas kaakibat ng bagong simula at makabuluhang pagtahak sa buhay. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author