Nilinaw ni Pasig Mayoralty Aspirant Sarah Discaya na wala itong kinalaman sa mga maling balitang kumakalat online laban kay Mayor Vico Sotto.
Ginawa ni Discaya ang pahayag kasunod ng bintang sa kaniya na nagbibigay ito ng isang milyong piso sa taong makasisira sa nakaupong alkalde.
Binigyang diin ng kampo ni Discaya na wala silang panahon sa isyung negatibo at mas pinagtutuunan nila ng pansin ang pagtulong at pagbibigay saya sa kapus-palad na Pasigueños.
Ani pa ni Discaya, mas maraming makabuluhang bagay na dapat unahin ang mga lingkod-bayan kaysa magpakalat ng paninira na walang basehan.
Sa talaan nitong nagdaang mga linggo ng St. Gerrard Charity Foundation, na pinangangasiwaan ng pamilya Discaya, libu-libong mga Pasigueño na ang nabiyayaan ng iba’t ibang ayuda gaya ng chairs, tables, kilo-kilong bigas at palugaw ng Kusina ni Ate Sarah.
Nakapagsagawa rin ng free medical checkup, kung saan naipamahagi ang mga gamot at wheel chair sa lingguhang medical mission ng Team Sarah.
Samantala, mayroon ding version ang Team Sarah ng pamaskong handog na limang kilong bigas bawat pamilyang Pasigueño maging free live concerts para mabigyan ng kasayahan ang kanyang kababayan.
“Dahil ayaw tayong bigyan ng City Hall ng permit sa Arcovia para sa Christmas Special na handog ni Ate Sarah na free concert kaya magpapa-concert na lang si Ate Sarah sa kanilang pribadong lugar araw-araw sa loob ng 12 araw na iba’t ibang artista ang mag-perform sa bawat araw at mapapanood ng mga Pasigueño via live streaming,” pahayag ng kampo ni Discaya.