Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na madaliin ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Davao Region.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng E-titles at certificates of condonation sa Panabo City, Davao Del Norte, inihayag ng Pangulo na masaya siyang masaksihan ang patuloy na pag-unlad ng Davao, na may ispesyal umanong bahagi sa kanyang puso dahil sa mainit na suporta at pagmamahal na ipinadama ng mga Davaoeño sa kanya noong panahon ng kampanya.
Kaugnay dito, umaasa si Marcos na pagbalik niya sa rehiyon ay pasisinayaan na niya ang Tagum City Bypass Road at Island Garden City of Samal Circumferential Road, na bagamat sa 2026 pa matatapos ay pipilitin na umanong bilisan at pagandahin ang pagpapatayo.
Inaabangan na rin umano ang pagbubukas ng Carmen-Tagum City Coastal Road.
Sinabi ng Pangulo na makatutulong ang mga proyekto sa pagpapabuti ng sitwasyon ng trapiko at transportasyon, at mas bibilis na ang paghahatid ng mga produkto at pagbiyahe sa tourist spots tulad ng mga beach, ilog, at parke.
Magbibigay-daan din ito sa pagpapaunlad ng mga negosyo, turismo, at agrikultura. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News