Kinumpirma ng Department of Health na may ilang mayor na nagbulsa ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga healthcare worker na kanilang kinita para sa kanilang serbisyo noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, inihayag ni Health Usec. Archilles Bravo na nakatanggap sila ng mga ulat na hindi natanggap ng buo ng mga health care worker ang kanilang allowance.
Sinabi ni Bravo na may insidente na ₱50,000 ang dapat matatanggap ng isang healthcare worker subalit kinakaltasan ng ₱10, 000.
Kaya naman, hinikayat ni Sen. Christopher “Bong” Go ang DOH na imbestigahan ang naturang ulat.
Ayon naman kay Bravo, inatasan na nila ang mga complainant na maghain ng written complaint para maimbestigahan nila ng buo ang isyu.
Bukod dito, sinabi pa ni Bravo na may mga ulat din na may ilang mayor na hindi nilalabas ang HEA ng mga healthcare worker.
Ayon kay Bravo, nakapaglabas na ang DOH ng ₱27-B halaga ng HEA para sa mga healthcare worker.
Mula Mayo 14 hanggang Nobyembre 5 ng taong ito, umabot sa ₱5.3 bilyon ang kabuuang appeal o request para sa reconsideration ng HEA kaya hiniling ni Bravo kay Go na mamagitan para maisama ang naturang halaga sa 2025 budget ng DOH.
Nang tanungin ni Go kung bakit late na ang apela, sinabi ni Bravo na kailangan pa nilang alamin sa regional offices ang proseso. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News