Isusulong ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagdaragdag ng pondo sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang suporta sa pagsisikap na labanan ang Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO.
Sinabi ni Gatchalian na kapuri-puri ang pangunguna ng PAOCC sa mga sunud-sunod na raid laban sa mga POGO nitong mga nakaraang buwan subalit sa kasamaang-palad, hindi sapat ang kanilang manpower upang ipagpatuloy ang mga karagdagang operasyon.
Ayon kay Gatchalian, mahalaga para sa PAOCC na mapanatili ang kanilang kampanya laban sa mga POGO upang epektibong maisakatuparan ang utos ng Pangulo na ganap na ipagbawal ang mga POGO bago matapos ang taon.
Kailangan aniya ng PAOCC na madagdagan pa ang kanilang tauhan, kagamitan, at iba pang kinakailangang suporta para mas mapalakas ang kanilang operasyon at masiguro ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga kaso.
Kailangan aniyang maghanda ng gobyerno para sa anumang maaaring mangyari, kabilang ang posibilidad na ang ilan sa mga POGO na ito ay mag-operate nang underground.
Sa kasalukuyan, nasa 41 ang internet gaming licensees (IGL) ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Ayon sa ahensya, may 250 na mga POGO ang maaaring nag-ooperate pa rin ng walang lisensya at maaaring sangkot sa iba’t ibang kriminalidad. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News