dzme1530.ph

Guo Hua Ping, wala nang lusot sa batas ng Pilipinas

Wala nang lusot sa batas ng Pilipinas si Guo Hua Ping alyas Alice Guo.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros kasunod ng pag-iisyu ng warrant of arrest ng Pasig RTC sa kasong qualified human trafficking laban sa sinibak na alkalde.

Ipinaalala ni Hontiveros na non-bailable ang human trafficking case kaya hindi ito makakapagpiyansa at hindi magagamit ang kanyang POGO money para lusutan ang batas.

Idinagdag ni Hontiveros na panimula at malaking panalo ito ng mga biktima ng human trafficking na pilit na ipinagtrabaho sa POGO scam hub sa Bamban, Tarlac.

Bilang may akda ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, sinabi ng senadora na ikinagagalak niyang napapakinabangan ang batas na ito.

Nagpapasalamat din ang mambabatas Department of Justice sa mabilis na aksyon sa kaso ng pekeng Pilipinong gayundin sa NBI, AMLC at sa ibang law enforcement agencies na puspusang tumulong sa Senado sa pagsiwalat ng katotohanan.

Hindi rin nakalimutan ni Hontiveros na pasalamatan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa kanilang pagsisikap mula sa pag-raid at rescue hanggang sa pagsasampa ng kaso.

Samantala, sinabi ng senadora na may isa pang pagdinig ang Senado at dapat gamitin na itong oportunidad ni Guo para makapagsabi ng katotohanan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author