Hinikayat ni Sen. Lito Lapid ang kanyang mga kapwa mambabatas na talakayin at aprubahan na ang panukala para sa standardization ng sweldo at benepisyo ng mga opisyal ng barangay sa bansa.
Iginiit ni Lapid na inihain niya ang Senate Bill No. 270 o an Act Standardizing the Salaries and Benefits of Barangay Officials noong July 11, 2022 at hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa committee level.
Umaasa si Lapid na maikakalendaryo na ang pagtalakay sa kanyang bill sa muling pagbubukas ng sesyon sa July 22.
Binigyang-diin ng senador na malaki ang maitutulong ng pagbibigay ng sapat na insentibo at sweldo sa mga Barangay Official na itinuturing na frontliners sa pagseserbisyo sa bayan at tagapagpatupad ng kapayapaan, kaayusan at kaunlaran sa bawat komunidad.
Ginawa ni Lapid ang panawagan sa pagharap niya sa may 300 opisyal ng Liga ng mga Barangay mula sa Northern Samar kung saan binigyan ng Good Governance Seal ang mga napiling barangay na nagbigay ng mahusay na serbisyo at nag-angat ng antas ng pamumuhay ng kanilang constituents.