Pinakikilos na ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mga awtoridad upang masawata ang 250 na POGO na ilegal na nagsasagawa ng operasyon sa bansa.
Sinabi ni Estrada na bukod sa usapin sa banta sa seguridad na dulot ng mga POGO, malapit din ito sa mga base militar at may mga ulat ng daan-daang POGO na nag-o-operate na walang lisensya.
Agad na pinakikilos ng senador ang mga kinauukulan na magsagawa ng crackdown o pagtugis sa mga iligal na kumpanya ng POGO.
Partikular na pinaaaksyunan ng senador ang problemang ito sa PAGCOR lalo na kung may sapat namang impormasyon para rito.
Sinabi ni Estrada na hindi dapat magpatumpik-tumpik pa ang ahensya sa pagpapasara ng mga iligal o unlicensed na POGOs.
Pinakakansela rin ng mambabatas sa Bureau of Immigration ang visa ng mga dayuhang empleyado ng mga unlicensed POGOs at agad na pinadedeport ang mga ito.