Aminado si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na labis ang kanyang pagkadismaya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) bunsod ng kabiguang ma-monitor o mabantayan ang pagpasok ng tinatayang P6.1 billion na pera para sa pagtatayo at operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sinabi ni Gatchalian na sa ginanap nilang executive session ay wala pang maibigay na malinaw na report ang AMLC kaugnay sa human-trafficking at cyber-fraud operations ng mga POGO.
Binigyang-diin ng senador na 2019 pa sinimulang itayo ang POGO sa Tarlac na iniuugnay kay Mayor Alice Guo at dapat noon pa lang ay na-detect na ng AMLC ang pumapasok na pera dito.
Ngayong 2024 ay dapat may ibinigay na report o detalye sa kanila ang AMLC pero walang dokumento ng electronic na pagpasok ng pera, maging ang tumanggap at mga binili na equipment at iba pang kagamitang kailangan para sa construction ng gusali ng POGO na itinayo sa loob ng Baofu compound.
Iginiit ni Gatchalian na hindi nagampanan ng AMLC ang kanilang mandato na maghanap ng source ng money-laundering at sa halip ay hinayaan lang nila na parang bula na mawala at makalusot ang ganitong iregularidad.