Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada sa Senado ang panukalang naglalayong magbigay ng dagdag na sahod sa mga civilian government employees sa apat na tranche mula taong 2025 hanggang 2028.
Sa kaniyang Senate Bill No. 2611 o ang proposed Salary Standardization VI, iginiit ni Estrada na ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo at pagbabago sa salary schedule ng mga manggagawa sa gobyerno ay malaking tulong sa kanila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ng senador na ang kanyang panukala ay kahalintulad din ng House Bill 8081 na inihain ni dating 6th district of Batangas representative at ngayon ay Finance Secretary Ralph Recto.
Alinsunod sa Senate Bill No. 2611, ang mga empleyadong nasa ilalim ng pinakamababang Salary Grade (SG) 1 ay maaaring tumanggap ng suweldo na ₱14,300 hanggang ₱15,158 sa unang tranche.
Samantala, ang mga civilian government workers na nasa ilalim ng pinakamataas na salary grade — SG33 — ay makakakuha ng ₱461,058 hanggang ₱474,890 sa parehong panahon.
Binanggit ni Estrada na saklaw ng panukala ang lahat ng mga posisyon para sa mga empleyado ng gobyerno kabilang ang mga Constitutional Comission, State Universities and Colleges, Government-Owned or Controlled Corporations na hindi saklaw ng Republic Act No. 10149, Government Financial Institutions, at local government units.