dzme1530.ph

Senyor Agila, posibleng front lang ng tunay na nagkokontrol sa kulto sa Surigao del Norte

Naniniwala si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na posibleng front lamang ng totoong nasa likod ng sinasabing kulto si Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) Leader Jay Rence Quilario, alyas Senyor Agila.

Sinabi ni dela Rosa na posibleng may kumokontrol kay Senyor Agila para pamunuan ang grupo at isagawa ang lahat ng mga aktibidad sa Kapihan.

Samantala, iginiit ng senador na mas naniniwala siya sa kredibilidad ng mga batang testigo kumpara sa mga opisyal ng SBSI kung ang pag-uusapan ay ang pagsasabi ng katotohanan.

Ipinaliwanag ni dela Rosa na wala siyang nakikitang ibang dahilan ng mga bata upang ilantad pa nila sa buong mundo ang kanilang karanasan kung hindi ang papanagutin ang mga nasa likod ng krimen na kanilang naranasan.

Balak naman ni dela Rosa na gawin mismo sa Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte ang susunod na pagdinig ng kumite upang makita ang buong lugar.

Pag-uusapan pa anya nila ni Senador Risa Hontiveros kung kailan itatakda ang susunod na hearing habang mananatili pa rin sa detention cell ang apat na opisyal ng SBSI na kanilang pinatawan ng contempt. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author