Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbubukas ng bidding para sa mga nagnanais mangasiwa sa operasyon at rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Dahil dito, kapwa inaanyayahan ng DOTr at ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga interesadong kumpaniya na lumahok sa single-stage competitive bidding process.
Ang gagamiting modality rito ay Build-Operate-Expand-Transfer na naka-angkla sa Build-Operate-and-Transfer (BOT) Law gayundin ang 2022 revised Implementing Rules and Regulations (IRR).
Ang sinumang nagnanais lumahok para maging bidder ay mangyaring magtungo lamang sa mga website ng DOTr, MIAA at sa Public-Private Partnership Center.
Magugunitang inaprubahan ng National Economic and Development Authority ang mahigit P170-B NAIA PPP Project.
Sakop nito ang rehabilitasyon sa mga runway, apat na terminal at iba pang mga kaugnay na pasilidad na inaasahang makapagpapataas sa kapasidad ng NAIA sa 62-M pasahero mula sa kasalukuyang 32-M. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News