Pinagtibay ng Senado ang Resolution 83 na nagpapahayag ng pakikidalamhati sa pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople.
Sa resolusyon, kinilala ng mga senador ang dedikasyon ni Ople sa kanyang adbokasiya para sa labor sector at sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa kanyang sponsorship speech para sa resolusyon, inalala ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pahayag ng kalihim nang tanggapin niya ang tungkulin bilang DMW secretary kahit pa na-diagnose ito ng breast cancer dalawang taon na ang nakararaan.
Aminado si Zubiri na naging inspirasyon ang pahayag ni Ople noon na nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay para sa adbokasiyang pagsilbihan ang ating mga OFW.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na perfect para maging DMW secretary si Ople dahil sa matagal na niyang adbokasiya para sa kapakanan ng mga manggagawang Pinoy sa loob at labas ng Pilipinas.
Ipinaalala pa ni Villanueva ang mga napagtagumpayan ng DMW sa ilalim ng pamumuno ni Ople kabilang na ang pagtatatag ng One Repatriation Command Center, Digitalization at National Reintegration Programs, Bilateral Labor Agreements, at Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Campaign.
Inalala rin ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo ang mahusay niyang pakikipagtulungan sa kalihim sa pagtatguyod ng kapakanan ng mga OFW.
Sinabi ni Ltulfo na nakita niya ang passion ni Ople para sa mga OFW at binigay na halimbawa ang pagiging hands on nito sa mga kaso ng mga OFW na nangangailangan ng rescue sa ibang mga bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News