dzme1530.ph

8 opisyal ng PPA sa Bohol, sinibak matapos mag-inuman sa loob ng opisina

Agad na sinibak ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang walong opisyal ng Port Management Office (PMO) Bohol matapos mahuli sa CCTV na nag-iinuman sa loob mismo ng multipurpose hall ng opisina ng pantalan nitong August 16, 2023 dahil umano sa selebrasyon ng birthday ng Acting Port Manager ng Bohol na kinilalang si Lord Tyrone Agaton.

Base sa imbestigasyon ng PPA, nakita sa surveillance video na nag-paparty ang mga empleyado at mga opisyal ng PMO Bohol nitong Miyerkules ng gabi na pinangunahan pa mismo ng Acting Port Manager, mga miyembro ng port police, at may kasama pang banda habang nag-iinuman sa loob ng opisina.

Ginamit pa sa pag-iinom at pag-paparty ang mga lamesa at upuan ng opisina ng PMO Bohol na ginagamit sa mga pagpupuplong at mga opisyal na transaksyon ng gobyerno.

Kabilang sa mga nasibak ay sina Acting Port Manager (APM) Lord Tyrone Agaton na dating principal Engineer ng PMO Western Leyte/Biliran bago maging Acting Port Manager ng Bohol; PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit; Atty. Sherlito Columnas Jr. ng legal department; Safety Officer Atty. Romeo Cabading II.

Tinanggal din sa tungkulin ang lima na port police officers na sina: Edcel Epan, Victor Cagulada, Mary Maricka Aguirre, Meljann Oronan, at Emily Ross Tubio.

Ayon kay Santiago, hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.

Agad namang humingi ng paumanhin ang Acting Port Manager ng Bohol, depensa nito bunsod lamang ng kalasingan sa alak kaya’t nakuha nilang mag-sayawan at magkantahan. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author