dzme1530.ph

PAO, dahilan ng pagkabalam ng ilang kaso

Aminado si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na naaantala o nagkakaroon ng delay sa ilang kaso ng DOJ dahil sa isyu ng conflict of interest na ginagamit ng Public Attorney’s Office (PAO) para hindi hawakan ang ilang kaso.

Ito ang inihayag ni Remulla matapos na i-dismiss ng Korte Suprema ang hiling ng PAO na tanggalin sa Code of Professional Responsibility and Accountability ng mga abogado ang probisyon na naglilimita sa pag-invoke ng PAO lawyers sa conflict of interest.

Ayon sa Kalihim, isa sa mga halimbawa ay ang NBI jail guards sa kaso ni Jad Dera, na tinanggihan na mabigyan ng legal na serbisyo ng PAO dahil sa conflict of interest.

Tahasan namang sinabi ni Remulla na suportado niya ang posisyon ng Korte Suprema sa mandato ng PAO na magkaloob ng libreng legal assistance sa mga mahihirap.

Hinimok ni Remulla ang PAO na sundin ang desisyon ng Korte Suprema dahil ito ang final arbiter sa mga kaso.

Sa ruling ng SC, sinabi na ang pagtanggi ng PAO dahil sa conflict of interest issue ay paglabag sa pangunahing mandato ng tanggapan na magkaloob ng libreng legal aid sa mga mahihirap na hindi kayang kumuha ng serbisyo ng pribadong abogado. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author