Inako ni Albay Cong. Joey Salceda ang paghahanap ng pondo para sa Universal Social Pension for Senior Citizens Act.
Kinumpirma ni Salceda na kinausap niya si Sen. Imee Marcos ng bumisita ito sa Albay, at hinimok na aprubahan na ang panukala na pending sa kanyang komite.
Siniguro ng Ways and Means chairman na kayang pondohan ang universal social pension taun-taon, at inako na rin nito ang maghahanap ng pondo para dito.
Sinabi ni Salceda na bilang chairman ng Ways and Means, pinahahalagahan ng Kongreso ang kanyang opinyon, dahil ang kanyang komite ang nangangalaga sa finances ng bansa.
Inilatag na rin nito kay Sen. Marcos ang scheme kung paano ito magiging fiscally sustainable.
Sa unang taon ng implementasyon, gagawin itong universal sa lahat ng 70 years old pataas; sa ikalawang taon, universal sa 65 years old, at sa ikatlong taon lahat ng 60 years old.
Ang lahat ng social pensioners na enrolled na sa programa ay patuloy na mata-tanggap ang benepisyo, at naka-index ang increase sa cost of living para makaagapay ito sa inflation.
Sa ngayon tumatanggap ng ₱1,000 pension kada buwan ang indigent seniors, subalit sa gagawing pag-amyenda, cover na nito ang lahat ng senior citizens mayaman man o mahirap.
May moral obligation umano ang gobyerno sa mga senior citizens na nakapag-contribute na sa kaban ng bansa sa buong buhay nito.
Sa kwenta ni Salceda, ang incremental cost ng programa ay ₱28.8-B sa unang taon, ₱43.7-B sa ikalawang taon, at ₱68.9-B sa third year ng implementasyon.
Nangako naman umano si Marcos na pag-aaralan niya itong mabuti.