Hinimok ni Senator Grace Poe ang kanyang mga kasamahan sa Senado na ipasa na ang panukala para sa pagtatayo ng Philippine Transportation Safety Board (PTSB) para sa makatotohanan at malawakang imbestigasyon sa transportation accidents.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill No. 1121 o ang proposed PTSB Act, sinabi ni Poe na kailangan ng independent agency na magbibigay din ng mahahalagang rekomendasyon matapos ang malalimang pagsisiyasat sa mga aberyang may kinalaman sa transportasyon.
Nanindigan si Poe na marami ang maaaring mailigtas ng itatayong PTSB at mareresolba ang mga isyu sa transport system.
Iginiit ni Poe na ang air traffic shutdown na nakaapekto sa maraming byahe at mga pasahero noong Enero 1 ay malaking dahilan ng pagtatayo ng PTSB upang mapabilis ang pagtukoy sa mga responsable sa insidente.
Bagamat maaari anyang imbestigahan ng Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Maritime Industry Authority (MARINA) at iba pang concerned agencies ang mga ganitong insidente, naniniwala si Poe na kailangan ng independent at dedicated agency upang mas maging episyente ang pagsisiyasat.
Sa ngayon anya ang CAAP ang tumatayong regulator, operator at investigator na maituturing na conflicting roles kaya’t kumplikado ang pagtugon sa mga problema sa air transportation.