Hihiling ang Administrasyong Marcos ng Blue Notice mula sa International Criminal Police Organization (INTERPOL), laban sa mga suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon sa Dept. of Justice, sa pamamagitan ng Blue Notice ay mamo-monitor ng gobyerno ang galaw ng mga suspek.
Sinabi pa ni DOJ spokesman Mico Clavano na dahil ilalagay na rin sa International lookout bulletin ang respondents ay magkakaroon na sila ng records kung saan pumunta ang mga ito at kung ano ang petsa ng kanilang pag-alis.
Idinagdag pa ng DOJ official na isa si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves sa mga itinuturing nilang posibleng mastermind sa krimen, ngunit ipina-alala nito na ang lahat ay dapat pa ring ipagpalagay na inosente hangga’t hindi napatutunayang guilty.
Mababatid na si Teves ay hindi pa rin nakababalik nang bansa kahit na nag-expire na ang kanyang Travel Authority.