Ipinaliwanag ng Presidential Communications Office ang kumakalat na video kung saan makikita ang isang indibidwal na may iniabot na maliit na bagay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang nasa isang pagtitipon.
Sa video na ipinost sa maging Mapanuri Facebook page, nilinaw na ang iniabot na bagay ay isang lapel tape na may simbolo ng kanilang politikal na partido, at ang nag-abot nito ay isang sibilyan na naghihintay na makapagpa-selfie sa Pangulo.
Sinabi ng PCO na ginagamit ng ilang indibidwal ang mga ganitong uri ng content upang magpalaganap ng maling naratibo.
Dahil umano sa pagputol at pag-blur sa video at pagbibigay ng maling konteksto, naglitawan ang samu’t saring haka-haka mula sa netizens, kabilang na ang ilang nagsabi na ang iniabot na bagay ay isang sachet na may lamang “white substance”.
Kaugnay dito, hinikayat ng PCO ang publiko na mag-isip, magsaliksik, alamin ang buong kwento, obserbahan ang mga detalye, at huwag magpaloko sa fake news. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News