Inaresto ng mga tauhan ng PNP AVSEU at NAIA-PDEA-IADITG ang isang pasahero matapos makuhanan ng illegal na droga sa final security check sa NAIA terminal 2 kagabi.
Kinilala ang naarestong suspek na si Alvin Juvert C. Rojo tubong Victorias City Negros Occidental.
Ayon kay OTS screening officer Rowena Martirez nag check-in ang pasahero kasama ang anak nitong batang lalake ng 8:20 para sa kanilang flight Pr-2121 patungong Bacolod.
Habang nasa walkthrough ang pasahero nagdeklara siyang may laman na bawal ang kanyang bag at itapon nalang umano sa basurahan para makasakay lang sila ng anak niya sa kanilang flight pauwing probinsiya.
Pero hindi pumayag ang OTS personnel at agad nila itong inireport sa PNP AVSEU at NAIA-PDEA.
Ayon kay NAIA-PDEA-IADITG commander Gerald Javier habang isinasagawa ang inspection, tumambad sa kanila ang isiningit sa loob ng bag ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, glass tube at dalawang lighter.
Narekober din mula sa suspect ang ibat ibang ATM card tatlong cellphone at isang tablet.
Dinala na ang naarestong pasahero sa Camp Crame para sa medical bago siya dadalhin sa PDEA main office sa Quezon City.