Panahon nang mas bigatan ang parusa na ipapataw sa mga sangkot sa pagpakalat ng fake news at maling impormasyon sa social media.
Ito ang iginiit ni Sen. Joel Villanueva sa pagsasabing may panganib at hindi masukat ang epektong naidudulot sa lipunan ng fake news.
Nangako si Villanueva na titiyakin nila sa Senado na maparusahan ang mga sangkot sa pagpapakalat ng mga pekeng balita o impormasyon at maging ang ginamit na online platforms.
Kumbinsido ang mambabatas na kailangan ng amyendahan ang cybercrime law dahil sa patuloy na pagpapakalat ng fake news sa social media.
Bukas din si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa balak ng Justice Department na paamyendahan ang cybercrime law.
Subalit iginiit na susuriin at titimbangin muna niya ang ipapanukalang mas mabigat na parusa kung naayon sa free speech at karapatan sa impormasyon o right to information.
Ayon kay Pimentel, maaari silang bumuo ng panibagong krimen sa pagpapalaganap ng fake news.
Marami aniyang nababahala ngayon sa bagong phenomenon lalo na sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) kaya bukas siya sa balak ng DOJ na magpanukala ng amendments sa cybercrime law.