Umapela sina Senators Mark Villar at Alan Peter Cayetano sa International Criminal Court na bigyan ng maayos na pagtrato at iprayoridad ang kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Umaasa si Villar na nasa mabuting kalusugan si Duterte kasabay ng pagdarasal na maibibigay sa dating Pangulo ang patas na paglilitis na nararapat sa lahat ng mga Pilipino.
Inalala rin ng senador na bago siya maglingkod bilang DPWH Sec. sa ilalim ng Duterte administration ay nasaksihan niya ang habag at pagtulong ng dating lider ng bansa sa mga batang maysakit at sa mga lumalapit sa kanya na nangangailangan.
Sa post sa kanyang social media accounts, umapela si Cayetano sa ICC na tiyakin na matutugunan ang pangangailangang medikal ng dating Pangulo.
Ipinaalala niya na may edad na ang dating Presidente at marami na ring sakit na nararamdaman.