Tumutulong ang Philippine Air Force (PAF) sa paghahanap ng nawawalang medical chopper sa Palawan sa pamamagitan ng pagde-deploy sa isa sa kanilang W-3 “Sokol” rescue helicopters na naka-assign sa 505th search and rescue group.
Sinabi ni PAF spokesperson Ma. Consuelo Castillo na nagsasagawa ang aircraft ng aerial search and rescue operations sa bisinidad ng Balabac para sa nawawalang helicopter ng Philippine Adventist Missionary Aviation Service (PAMAS).
Aniya, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Sokol aircrew sa BRP Jose Rizal ng Philippine Navy na nag-o-operate sa Balabac upang i-check ang anumang sightings sa nawawalang chopper.
Miyerkules nang mapaulat na nawawala ang medical helicopter na may lulang limang pasahero.