Makatatanggap na ang mga senior citizen ng bahagi ng Php100,000 cash gift kapag sila ay umabot sa edad na 80 at 90 hanggang sa kanilang ika-100 taon.
Ito, ayon kay Senator Imee Marcos ay kapag naging ganap ng batas ang panukalang mag-aamyenda sa Centenarians Act of 2016
Suportado ni Marcos ang maagang pagbibigay ng gobyerno ng bahagi ng cash gift na P100,000 sa elderly bago pa man sila umabot ng 100 taong gulang
Sa kanyang paglalatag sa plenaryo ng panukala, binanggit ng senadora ang kasabihan na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Kaya dapat anyang mapakinabangan ng mga lolo’t lola ang nararapat na benepisyo habang sila’y buhay pa.
Sa ilalim ng panukala, hahatiin equally ang P100,000 cash gift.
Ibig sabihin makakatanggap ng mahigit P33,000 ang mga lolo at lola kapag umabot sila sa edad na 80, 90 at 100.
Binigyang-diin ni Marcos na kailangan nang i-advance ang pamamahagi ng cash gift para sa mga centenarian dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at maintenance na gamot para sa karaniwang sakit ng matatanda na gaya ng mga sakit sa puso, diabetes, at kidney failure.
Upang matiyak na walang maiiwan na senior citizen na 80 taong gulang pataas, isinulong ni Marcos ang paglikha ng Elderly Management System para sa maayos na pagkalap ng kaukulang impormasyon mula sa Philippine Statistics Authority, sa tulong na rin ng Department of the Interior and Local Government, Department of Information and Communications Technology, National Commission on Senior Citizens, at mga local government units.