dzme1530.ph

Mga kasalukuyang miyembro ng CPP–NPA, hindi saklaw ng ipinagkaloob na amnestiya ni PBBM dahil sa pagiging mga terorista

Hindi saklaw ng ipinagkaloob na amnestiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kasalukuyang miyembro Communist Party of the Philippines – New People’s Army, dahil sa kanilang pagiging mga terorista.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, ipina-alala ni National Amnesty Commission Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento na ang CPP–NPA ay designated ng Anti-Terrorism Council bilang teroristang grupo.

Sa ilalim ng Proclamation no. 404 kaugnay ng amnestiya para sa CPP–NPA, nakasaad na hindi nito saklaw ang mga krimeng may kaugnayan sa terorismo kasama ang iba pang mabibigat ng krimen tulad ng kidnap for ransom, massacre, at rape.

Kaugnay dito, nilinaw ni Armamento na ang maaari lamang mabigyan ng amnestiya ay ang mga dating rebeldeng komunista na sumuko at nagbalik-loob na sa gobyerno.

Samantala, hindi rin kasama sa amnestiya ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author