Patay ang isang leader ng Daulah Islamiyah-Maute Group makaraang maka-engkwentro ang mga sundalo sa Piagapo, Lanao del Sur, ayon sa Western Mindao Command.
Sinabi ng WESTMINCOM na napaslang si Alandoni Macadaya Lucsadatu, na kilala rin sa mga alyas na “Lando” o “Abu Shams,” nang makasagupa ng nasa limang miyembro ng D.I.-Maute Group ang mga sundalo mula sa 3rd Scout Ranger Battalion at 51st Infantry Battalion sa Barangay Tambo.
Si Lucsadatu na sinasabing residente ng Barangay Old Poblacion sa Munai, Lanao de Norte, ay pinaniniwalaang isa sa natitirang sub-leaders ng D.I.-Maute Group na nag-o-operate sa boundaries ng Lanao del Norte at Lanao del Sur.
Nagre-recruit umano ito ng mga bagong miyembro ng teroristang grupo sa kanyang mga kaanak sa Munai, at responsable din sa pagpatay kay Marow Lucsadatu Moscara, alyas “Datu Anggo” o “Abdane” na miyembro ng D.I. na sumuko sa militar noong Nobyembre. —sa panulat ni Lea Soriano