dzme1530.ph

LGUs, hinimok na palakasin ang kanilang disaster preparedness programs

Inirekomenda ni Sen. Sherwin Gatchalian sa mga local government units na palakasin ang kani-kanilang disaster preparedness programs upang makatulong sa pagpapanatili ng pag-unlad.

Sinabi ni Gatchalian na anumang anyo ng kalamidad, natural man o hindi, ay nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya sa anumang lugar, kaya’t kinakailangan na palakasin ng mga LGU ang kanilang kapasidad upang makapaghanda sa anumang sakuna.

Iginiit ng senador na panahon na ring aprubahan ang kanyang Senate Bill no. 939 o Act Expanding The Application of The Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10121 o The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagsasabatas nito ay magbibigay sa mga LGU ng higit na kakayahan na magpatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang disaster preparedness, mitigation, response, at rehabilitation capabilities.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na ang mga pagsisikap para sa isang disaster-mitigation ay magiging mas epektibo kung ang mga LGU ay may sapat na pondo para magpatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo upang protektahan ang kanilang mga nasasakupan laban sa mga sakuna.

About The Author