Nagkasa ng kilos-protesta ang ilang mga militanteng grupo at religious group sa Lungsod ng Maynila.
Ito’y para ipakita sa administrasyon Marcos ang kasalukuyang sitwasyon ng mga mahihirap na Pilipino.
Sa ikinakasa nilang Kalbaryo Caravan at Indignation rally, isinagawa ng mga militanteng grupo ang sarili nilang bersyon ng Stations of the Cross sa ilang tanggapan ng gobyerno sa Maynila.
Nais ipakita ng grupong Bayan Southern Tagalog ang mga hirap at pasakit ng bawat Pilipino mula pa noong administrasyong Duterte hanggang sa kasalukuyan.
Giit ng grupo, tila wala pa rin pagbabago ang sitwasyon ng mahihirap kung saan mas lalo pa rin silang naghihirap dahil sa tila walang programa at plano ang gobyerno.
Nagsimula ang kanilang Caravan sa Rajah Sulayman na halos katapat ng US Embassy kung saan nagtungo rin sa Department of Justice (DOJ) para kondenahin ang desisyon nito na i-dismiss ang reklamong pagpatay sa 17 pulis na sangkot sa Bloody Sunday Massacre na ikinamatay nina Chai at Ariel Evangelista.
Magtutungo rin sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) parauling ipanawagan ang petisyon ng taas sweldo at matapos nito ay magtitipon-tipon sila sa Plaza Miranda para sa huling programa may kaugnayan sa Semana Santa. – sa panulat ni Felix Laban, DZME News