Pinaiimbestigahan ni Senator Ramon Revilla Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) ang napaulat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Oriental Mindoro.
Sa isinagawang relief operation ng senador sa mga bayan ng Bulalacao, Roxas, Pinamalayan, Pola, at Naujan na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress, napag-alaman nito na tumaas ang presyo ng mga pagkain tulad ng bigas, karneng baboy at manok, itlog, at gulay.
Ayon kay Revilla, nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa lalawigan kung saan wala na halos makain ang mga residente dahil nalason na ang mga isda at iba pang lamang-dagat.
Dahil dito, agad na pinakikilos ng senador ang DTI upang tiyakin na walang negosyante ang mananamantala hinggil sa naturang insidente.
Pinagagawa rin ni Revilla sa kagawaran ang mahigpit na monitoring sa presyo ng mga pagkain at bilihin sa merkado.