dzme1530.ph

Investments sa bansa, inaasahang tataas sa paglalabas ng IRR para sa Public Services Act

Umaasa si Senator Grace Poe na darami na ang investments sa bansa kasunod ng paglalabas ng National Economic Development Authority (NEDA) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa inamyendahang Public Service Act.

Ayon kay Poe, bagamat limang buwan nang delayed ang IRR para sa PSA, inaasahan pa ring daragsa na ang mga critical investments, magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino at magpapalakas ng kompetisyon sa bansa.

Welcome kay Poe ang paglalabas ng IRR kahit natagalan ito lalo’t ang PSA amendments ay kabilang sa prayoridad ng nakaraang Kongreso na ang layunin ay maging bukas sa foreign capital ang bansa matapos ang pandemya.

Dahil nakalatag na ang legal framework ng batas, inaasahan din na magiging daan anya ito para sa pagbibigay ng mas mahusay na telecommunications, transportation at iba pang pangunahing serbisyo sa publiko.

Sinabi ni Poe na ang susunod na mahalagang hakbang na dapat gawin ng mga ahensya ng gobyerno ay maiparating at maiparamdam sa publiko ang epekto ng batas na ilang dekada ring tinalakay bago naipasa.

Tinukoy pa ni Poe na ang Starlink na kumpanya ng kilalang big-time investor/entrepreneur na si Elon Musk ang isa sa unang nag-apply ng investment sa bansa matapos maging batas ang inamyendahang PSA.

About The Author