dzme1530.ph

Ilang senador, naniniwalang mas matindi ang hamon ngayon laban sa ating kalayaan

Naniniwala ang ilang senador na kumpara sa mga nagdaang taon, hinahamon ngayon ang kalayaan ng bansa.

Ayon kina Senators Grace Poe, Risa Hontiveros at Joel Villanueva, malaking hamon ngayon sa kalayaan ng bansa ang patuloy na aggression ng China sa West Philippine Sea, ang patuloy na operasyon ng mga POGO na labis nang nakakaapekto sa ekonomiya at maging sa pulitika, at ang walang humpay na kawalan ng hustisya

Sinabi ni Poe na bagama’t may sistema tayo sa gobyerno, mga batas at konstitusyon, kailangan pa rin nating maging desidido at matapang sa paggawa ng tama.

Idinagdag ni Poe na ginawa na ng ating mga bayani ang kanilang tungkulin para sa mga Pilipino kaya’t panahon natin ngayon na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa bansa para manatiling malaya.

Nanawagan naman si Hontiveros sa lahat na magsama-sama at matapang na tumindig para protektahan ang ating pambansang interes.

Igiiit ni Hontiveros na dapat patuloy nating labanan ang mga pwersang nagnanais na hadlangan ang ating pag-unlad dahil walang ibang titindig sa mga isyu na ito kundi tayong mga Pilipino.

Sa panig naman ni Villanueva, iginiit na mas umiigting ngayon ang hamon at panawagan sa bawat Pilipino na protektahan at ipagtanggol ang ating kalayaan.

Sa kabila nito, naniniwala ang senador na patuloy na nagbibigkis at hindi nagkakawatak-watak ang mga Pilipino at buhay na buhay ang pagmamahal natin sa ating minamahal na bansa.

About The Author