dzme1530.ph

Ilang senador, nanindigang walang dahilan para makipagtulungan ang gobyerno sa ICC

Nanindigan sina Senador Ronald Bato dela Rosa at Jinggoy Estrada na walang dahilan upang makipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa inilunsad na war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Ayon kay dela Rosa, sa patuloy na paggiit ng ICC na ituloy ang imbestigasyon ay nilalabag nila mismo ang Article 1 ng Rome Statute na nagsasaad na papasok lamang ang international body sa internal affairs ng isang bansang miyembro nito kung hindi gumagana ang justice system o ayaw kumilos ang gobyerno.

Muling binigyang-diin ng senador na sa Pilipinas, malinaw na gumagana ang ating justice system at katunayan ay may mga kaso nang iniimbestigahan ngayon kaugnay sa pag-abuso ng ilang pulis na nagpatupad ng kampanya kontra droga.

Iginiit naman ni Estrada na walang sinuman ang maaaring magdikta sa gobyerno kung paano nito patatakbuhin ang bansa lalo na ng isang treaty-based international organization na hindi naman na kinaaniban ng Pilipinas.

Bilang independent nation, sinabi ni Estrada na may soberanya ang bansa at dapat itong kilalanin ng ICC.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author