Maaari nang i-freeze ng International Criminal Court (ICC) ang assets ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit ongoing ang paglilitis sa kanyang kasong crimes against humanity.
Ang pag-freeze sa assets ng dating Pangulo ay upang matiyak na mayroong sapat na pera para bayaran ang posibleng danyos sa mga biktima ng kanyang war on drugs.
Sa ICC website, nakasaad na kokolektahin ng Office of the Prosecutor ang financial information ng suspek sa pagsisimula ng hearings.
Sa sandaling ilabas ang warrant of arrest o summons to appear, maaring mag-isyu ng request para sa identification, tracing, o freezing ng property at assets ng suspek.
Una nang inihayag ng Palasyo na bahala na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na gamitin ang awtoridad nito sa posibleng requests na i-freeze ang assets ng dating Pangulo.