Inirekomenda ng Senate Committee on Finance na tapyasan ng ₱5.7 billion ang panukalang subsidiya ng gobyerno sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa susunod na taon.
Sa report na isinumite ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Finance Committee para sa panukalang 2025 national budget, ibinaba nila sa ₱68.7 billion ang alokasyon sa PhilHealth.
Mula ito sa ₱74.4-B na original proposal ng Malacañang na sinang-ayunan ng Kamara.
Gayunman, daraan pa sa plenary debates ang rekomendasyon ng kumite kaya’t may posibilidad na ito ay madagdagan o tuluyang mabawasan.
Una na ring sinabi ni Senate President Francis Escudero na maaari nang hindi bigyan ng subsidiya ang PhilHealth dahil mahigit kalahating bilyong piso ang surplus fund ng ahensya sa pagtatapos ng taong 2024.
Madaragdagan pa aniya ito sa kontribusyon ng mga miyembro.
Sa report ng PhilHealth at Department of Finance, sa pagtatapops ng taon aabot sa ₱546 billion ang surplus fund ng ahensya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News