dzme1530.ph

Gobyerno, hinimok na manghimasok na sa interconnectivity projects para sa suplay ng kuryente sa iba’t ibang lalawigan

Hinimok ng ilang senador ang gobyerno na manghimasok na sa mga itinatayong interconnectivity projects na naglalayong magbigay ng suplay ng kuryente sa iba’t ibang mga lalawigan.

Pinangunahan ni Sen. Imee Marcos ang suhestyon makaraang masita ang delay sa pagtatayo ng mga transmission line project na nasa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na dumipensa sa budget ng DOE sa plenaryo, inaksyunan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang problema at pinagpaliwanag na rin ang NGCP sa pamamagitan ng inisyung show cause order hinggil sa mga delayed na proyekto.

Iminungkahi rin ni Marcos sa ahensya na pumasok na lamang sa government consortium tulad ng Maharlika Investment Corporation para sa pagtatayo ng interconnection projects.

Kinatigan ito ni Gatchalian kasabay ng pahayag na kung walang kakayahan na magtayo ang NGCP ng critical infrastructure ay marapat lamang na gawin ito ng gobyerno at isa ito sa mga pinagaaralan ngayon ng DOE. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author